Araw ng mga Patay


Photo courtesy: MB/Pixabay

Ang ika-1 at ika-2 ng Nobyembre ay nakalaan para sa pag-alala at pagpupugay sa mga mahal sa buhay na pumanaw na. Ang tradisyong ito, na kilala bilang Araw ng mga Patay o Undas, ay nagbibigay daan upang ang mga pamilya ay makapagdala ng mga bulaklak, kandila, at pagkain bilang patunay ng kanilang pagmamahal at paggalang sa mga yumaong mahal sa buhay. Bilang isang bansang Katoliko, malalim ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga kaluluwa ng mga patay. Naniniwala tayo na ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw ay patuloy na gumagabay sa atin mula sa langit.

Kilala ang mga Pilipino sa kanilang pagmamahal at malasakit. Bagamat masakit isipin ang pagkawala ng mga mahal sa buhay, ang ating pagmamahal para sa kanila ay hindi nagtatapos sa kanilang pagpanaw. Ang Undas ay isang patunay ng ating patuloy na pagmamahal, isang panahon kung saan ang mga pamilya ay nagsasama-sama upang ipahayag ang kanilang pagmamahal sa mga yumaong mahal sa buhay.

 

Sa aking personal na karanasan, Ang aking ama ay namayapa taong 2019, isang pangyayari na nananatiling isa sa pinakamahirap na karanasan sa aking buhay. Ang karanasang ito ay naranasan din ng marami, sapagkat ang pagkawala ng mahal sa buhay ay isa sa pinakamadilim na bahagi ng ating buhay.. Malapit kami ng aking ama at ito ay sumasalamin sa matibay na ugnayan ng pamilya na mahalaga sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Pinahahalagahan natin ang ating mga pamilya habang sila ay narito, at madalas nating ipinaabot ang ating pagmamahal. Kaya't napakasakit isipin na dumarating sa punto na ang ating mga mahal sa buhay ay namamaalam, sapagkat sila ang ating lakas at buhay.

 

Kahit na pumanaw na ang aking ama, patuloy kong ipinaparamdam sa kanya ang aking pagmamahal, lalo na sa Araw ng mga Patay. Bilang pamilya, kami ay nagsasalo-salo, nagdarasal, at nag-aalay. Ang mga gawaing ito ay paraan upang ipakita ang ating pagmamahal at kilalanin ang mahalagang bahagi na kanilang ginampanan sa ating buhay. Ito ay isang paraan upang mapanatili ang makabuluhan at malalim na ugnayan sa mga mahal natin na yumao.


Ang Undas ay patunay na ang ugnayan sa mga yumaong kamag-anak ay nananatiling buhay at buo sa puso ng bawat Pilipino. Ito ay isang kaugalian na hindi kailanman mawawala o maiaalis. Sa pamamagitan ng pagdarasal para sa kanilang kaluluwa at pag-aalay, ating naipakikita ang pagpapahalaga sa kanilang alaala. Ang alaala ng mga yumaong mahal sa buhay ay hindi kailanman nawawala sa puso ng mga Pilipino. Bagamat hindi madalas na nabibisita ang kanilang mga puntod, sa pamamagitan ng Undas o Araw ng mga Patay ay nakapaglalaan ang mga Pilipino ng panahon at oras upang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw.

 

Popular posts from this blog

Araw ng mga Patay